Tuesday, May 12, 2020

COVID-19 nasan ka?

Coronavirus disease 2019 (COVID-19), photo courtesy from the internet.

Isinulat ni JULIANNE ENRIQUEZ ANTIOLA, 12 years old
Batang Kolumnista at Editoryal Writer - Filipino

(Region 11-Top 5 of the 7 national winners out of at least 110 entries participated during the National School Press Conference competition, Elementary category, held in Tuguegarao City, March 11, 2020, Graduated Grade 6-Wisdom with High Honors, 
Gen. Ave. 95.91 % at Tugbok Central Elementary School, Tugbok District, Davao City)

Davao City - Sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan ng bawat Pilipino, biglang dumating ang sakit na COVID-19 kung saan hindi napaghandaan ng buong Pilipinas. Ayon sa DOH, nang dumating ang naturang virus sa buong bansa noong Enero 30, nagkasakit ang isang Tsino na pumunta sa bansa at ito ay nakahawa ng iba, kaya tumataas ang kaso ng virus. Kinakailangang mas palawigin pa ng gobyerno ang Enhance Community Quarantine o ECQ sa buong Pilipinas upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

          Sa nakilapas na ilang buwan matapos ang unang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, unti-unti itong dumami na ngayon ang tala ay umabot na sa 10,610 ang kaso at 704 ang namatay habang 1,842 ang nakarekober mula sa naturang virus, ayon sa DOH. Dahil dito, marami itong naging epekto sa buong bansa at kabilang na ang mga mamamayan. At marami ang mga nadadagdag na mga kaso araw araw.

          Naging epekto nito sa ekonomiya ay ang pag-sara ng mga pabrika at ang unti-unting pagkaubos ng budget ng gobyerno dahil mas inuuna nila ang mga maysakit. Para sa mga mamamayan, ginagawa ng gobyerno ang lahat upang masiguro lang ang kaligtasan nila. At dahil sa pag-sara ng mga pabrika, marami ng mga empleyado ang nawalan ng trabaho. Tinatatayang aabot sa 87,000 hanggang 252,000 na mga trabaho ang mawawala dahil sa pandemya. Kaya  humingi na ng tulong si Pangulong Rodrigo Roa Duterete sa World Bank ng $500 milyong dolyar para sa karagdagang pondo kontra COVID-19 na makakatulong sa mga nawalan ng trabaho at negosyo.

                Ang pagsuspinde ng mga pasok at graduation rites ay ang naging epekto ng COVID-19 sa edukasyon. Nagsimula noong Marso 16 ang suspensyon sa mga pasok sa paaralang pampubliko at pribado. Dahil dito, hindi natapos ng mga estudyante ang school year 2019-2020 at gumawa nalang ang ibang paaralan ng “Online Graduation” dahil hindi na sila maaaring makapunta sa kanilang paaralan.

          Nababawasan ang mga galaw ng mga tao dahil sa ECQ na naging epekto ng COVID-19 sa bawat komunidad. Dahil dito, binibigyan lang ng takdang panahon ang mamamayan upang makabili ng kanilang mga pangangailangan. At sa oras na ibinigay, marami parin ang nagrereklamo dahil hindi raw ito sapat at dapat daw itong dagdagan.

 Sa mga sumasailalim sa ECQ at GCQ, may curfew din na pinatupad kagaya ng Maynila na mula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng umaga ay dapat hindi na sila lalabas ng kanilang bahay. May ilan paring matitigas ang ulo at lumalabas ng bahay kahit may curfew na kaya sila hinuhuli ng awtoridad. Ang ilan sa kanila ay nagsusugal at nag-iinuman pa kahit ipinagbawal na ito. Ayon sa kongreso, ang sinumang mahuhuli na lumabag sa curfew, liquor ban at iba pang batas tungkol sa pag-iwas sa COVID-19 ay makakasuhan at makukulong.

Nararapat lang na mas higpitan pa ng gobyerno ang mga batas na naglalayong maiwasan ang COVID-19 upang wala ng mahawaan ng naturang virus. Ito ay dahil sa ipinatupad na Liquor Ban ay umabot na sa mahigit kumulang 5,000 katao ang nahuli habang mahigit kumulang 80,000 katao naman ang nahuli sa paglabag sa curfew sa buong Pilipinas.

Kinakailangan sundin na ng bawat mamamayang Pilipino ang mga hakbang kung paano hindi mahawaan ng COVID-19. Ito ay dahil ang ilang mamamayan ay lumalabas parin ng bahay kahit walang suot na face mask at ang iba naman ay hindi lumalayo ng isang metro mula sa katabi kapag bumibili ng pagkain. (Edited and Published by Jun Enriquez)

No comments:

Post a Comment